Thursday, March 12, 2009

I rap

Ay! May nakalimutan pala kaming ikwento tungkol kay boss sa Tagaytay. May ilan namang panahon na gising siya.

(I-rap niyo po, pinagsikapan naming lagyan ng indayog at itugma)

Sa isang diskusyonan
Kung saan pinagusapan
Ang mga dapat gawin
Ng mga namumuno.

Tinanong ni Dalawa
Kung ano ba talaga
Ang trabaho ni boss
Sa paggawa ng JOs

Hindi daw niya alam
Kung saan ba talaga
Pumapasok si boss
Sa trabahong ginagawa

Ang sinabi daw ni boss
Na kung akala mo ay diyos
I don’t know what you mean
I am always in my room

If you need me just call me
Or schedule it with Tess or Esmie
If you need me just call me
Or schedule it with Tess or Esmie

Yo!

Isang mahabang irap ang nakuha niya sa presidente sa sagot niyang iyon. Hindi lang namin alam kung nakuha niya ang ibig sabihin ng pagtingin sa kanya ng ganoon.


Nepo mart at Kodak moment

Pasensiya na’t medyo hindi naming naikwento ang mga tungkol kay boss noong nakaraan, ang dami kasing nangyari. Ituloy natin ang mga naganap sa Tagaytay.

Nagulat ang mga tao ng makarating sila sa Tagaytay dahil may isang ‘di kilalang taong naroon din. Maya maya’t ipinakilala siya. Siya raw si Dingdong San Lorenzo, ang bagong mamumuno sa departamento ng digital at design na naikwento ng Presidente nung huling pagpupulong. Galing siyang Gay Wally Samson, isa pang ahensiya. (Balita namin ay hindi niya nakasundo ang boss niya dun kaya siya umalis)

Ang hindi sinabi sa pagpapakilala ay siya ay pamangkin ng yumaong chairman ng ahensiya. Sa madaling salita, pagkatapos mag-“right size” and presidente ang mga bagong empleyado ng ahensiya ay ang kapatid ng presidente at ang pamangkin ng may ari. (Sa alam namin ay bawal kumuha ng mga bagong empleyado kapag nagtakda ng redundancy, nguni’t tulad ng nasabi namin, hindi po kami abogado. Bukod dun, diba nepotism iyon?)

Pero, ibalik natin sa planning session. Napansin ng mga tao na tuwing may diskusyon ay parating may naisasabi si Santa Claus. (kung hindi ninyo maalala, siya ang bff ni boss sa ahensiya) Puro siya “oo, tama” at “magandang idea yun”. Hindi nila mapigilang isipin na pumepwesto talaga si Santa sa mga ibang namumuno. Tila alam niya na medyo tagilid na ang sitwasyon ni boss kaya’t kailangan niyang humanap ng bagong kasabwat.

Alam namin na sinabi namin na ikukwento naming ang tungkol kay boss. Wala po kaming maikukwento dahil siya po ay nakaupo sa likod at umiidlip (tulad ng nakasanayan na sa opisina.)

May kasabihan na “a picture is worth a thousand words”.




Sunday, March 8, 2009

Isa pang pagpapaalam

Pagkatapos ng kapulungan ay magkakaroon ng “planning session” sa Tagaytay ang mga namumuno sa ahensiya. Dito unang lumabas ang balita na may isa pang empleyadong aalis.

Ang may kasalanan naman nito ay ang HR. Ganito kasi ang nangyari.

Ayaw daw gumastos ng presidente para sa pagpaupa ng sasakyang gagamiting papunta sa Tagaytay para sa naturing “planning session”. Makisabay na lang daw ang mga tao sa mga magdadala ng sasakyan.

Habang ipinaplano ito ay naitanong ng isang tao kung kanino sasabay si Miss Quiambao dahil may lugar pa sa kanyang sasakyan. Nagulat na lang siya ng sagutin ng HR na hindi daw yun sasama dahil nagbitiw na daw. Pero ang katotohanan ay wala napadalang kasulatan si Miss Quiambao kahit kanino sa ahensiya tungkol sa kanyang pagbibitiw.

Nang malaman ni Miss Quiambao ito ay sumama ang loob niya. Ang kaisaisang pinagsabihan niya ng kanyang pagbabalak na umalis ay ang presidente lamang. Ang ibig sabihin ay kinuwento ng presidente ito sa ibang tao at dito nagsimula ang pagkalat ng chismis.

Talagang malungkot siya sa mga pangyayari dahil sa haba ng kanyang pagsisilbi sa ahensiya at sa kanyang mga pinaggagawa para sa ahensiya (siya ang may hawak ng malaking bahagi ng negosyo ng ahensiya) ganito lang pala ang magiging pagtrato sa kanya.

Lalo pa’t nung pamaskong pagpupulong ay ni walang banggit tungkol sa kanya habang may inihandang palabas para kay Juday (ang namumuno sa paghahanap ng bagong negosyo para sa ahensiya na siyang naging katulad ni boss sa pagiging talunan sa lahat ng pitch sa buong taon) na siya ring aalis.

At nasundan pa ito ng isang salu-salo sa Fresher Place para kay Juday muli, habang si Missa Quiambao ay iniwan sa kangkungan.

Ay nagiiba na ang usapan, ibabalik naming kay boss sa susunod na kabanata.


Isa pang pagpupulong

Marami nang pangyayaring nasisiguro naming nabalitaan niyo na pero ikukwento pa rin namin dito.

Pagkatapos masesante ang ilang tao sa ahensiya dahil sa “right-sizing” ay nagtawag uli ng pulong ang presidente. Malubha na kasi ang damdamin ng mga tao sa ahensiya. Nais raw niyang linawin ang mga pangyayari noong nakaraan. Sinabi niya na wala na raw ibang masesesante pansamantala.

Ipinahayag rin niya ang mga plano niya para sa ahensiya sa mga darating na panahon. Kasama dun ang balak niyang pagpapatayo ng departamentong pang digital at design. Hindi namin alam kung pamumunuan pa rin ito ni boss. Dahil sa takot ng mga taong paginitan sila at i-“right-size” din, walang gustong magtanong.

Bumalik sa isip nila ang mga binitawang salita ng presidente sa nakaraang pagpupulong na sa pag “right-size” ng ahensiya ay may ilang masesesante at ang mga kontrata ng mga contractual na empleyado ay hindi babaguhin.

E ang kapatid ng presidente ay contractual na empleyado at ang bali-balita ay ililipat daw siya duon sa departamento ng design. Ang ibig sabihin ba ay binabawi niya ang sinabi niya na lahat ng kontrata ng mga contractual ay hindi babaguhin?

Walang nagawa si boss tungkol dito (kung meron man siyang balak) dahil desisyon nga ito ng presidente.

Wala po kaming kilalang abogado kaya’t hindi naming alam kung ito ay maaaring gawing kaso ng mga nasesante.


Thursday, January 8, 2009

Pasensiya

Pasensiya na't medyo hindi kami nakapag-update noong Disyembre. Kakabalik lang kasi namin galing sa ******* (kala niyo sasabihin namin no?).

Hindi po kami bumili ng isang kilong foundation para itago ang mga pekas sa mukha. Marami lang talagang trabaho pag hindi nawawalan ng kliyente. Sa totoo lang, kaya kami nawala ay dahil may ginawa kaming regional na patalastas. Panoorin niyo na lang, kakapalabas lang nung linggo. (Ganda ni ****** no?)

Hayaan niyo't babawi kami. Heto itutuloy muna namin ang kwento.

Noong a-13 ng Nobiyembre ay nagtawag ng kapulungan ang presidente. Dito ay ipinahayag niyang may mga kliyenteng lulurong sa ahensiya. Ang mawawalang negosyo daw sa ahensiya ay nasa P100M kaya kailangan daw mag-"right size" (nagpapauso lang po siya ng 'buzzword') ang ahensiya. Last-in-first-out daw ang magiging patakaran sa pagpipili ng mga masisisante.

Noong a-14 ay isa-isang kinausap ng HR ang isang creative director at tatlong art director. Sinabihan sila na iyon na raw ang kanilang huling araw at kailangan nilang mag-impake ng kani-kanilang gamit at ibalik sa opisina ang mga nararapat tulad ng mga ID atbp.

Noong hapon ay kinausap ni boss ang mga nasisante at sinabing wala raw siyang magawa dahil desisyon yun ng presidente at wala raw siyang kinalaman dun.

Nang kumalat na sa mga tao kung sino sino ang nasisante ay nagtaka sila. Sabi kasi ng presidente na "last in first out" pero kung pagmamasdan ang pagkakasunodsunod ng pagpasok ng mga art director ay may nilaktawan na isang art director (itago natin sa pangalang Aida , isa sa mga inuutusan ni boss na gumawa ng mga scam ad niya). Mas lalong sumama ang loob ng mga tao sa malinaw na pagsisinungaling ni boss.

Nagusap-usap ang iba sa mga tao at napagkasunduang maginuman pagkatapos ng trabaho para panandalian man lang ay malimutan ang kalungkutan. Habang nagiinuman ay nagulat sila ng makita nilang parating ang magkatambalang alaga ni boss. (Itago natin sa pangalang Cory at Mike. Kung mahulaan niyo kung bakit mag-comment kayo, baka may premyo). Hindi nila alam kung bakit dumating ang tambalan dahil hindi naman ito imbitado.

Gayon pa man ay inalok pa rin sila ng serbesa. Makalipas ang ilang sandali ay may mas malaking sorpresang naghihintay. Nakita nila si Cory na may kinakawayang taong pinapalapit. Bumagsak ang mga baba nila nang makita nila kung sino.

Si boss.

Nang inanyayahan ni Cory na sumama sa inuman, iba iba ang mga reaksyon ng mga tao. Ang isa ay sumakay sa kanyang motorsiklo at humarurot paalis. Ang nakararami ay lumipat sa katabing inuman. Walang kumakausap kay boss kundi ang tambalan. Tila napansin ni Cory ito at linapitan niya ang iba't ibang tao at humiling na kausapin naman nila si boss. Nguni't walang may gusto.

Hindi namin alam kung nahuli ni boss ang dinaramdam ng mga tao pero hindi tumagal ay umalis siya. At mayamaya ay sumunod na rin ang tambalan.

Siguro talagang hindi maisasalin sa ingles ang delikadesa.